The Weekly Sillimanian

Biyaheng Hibbard Avenue

by Daniel Enrico

 

Paminsan-minsan tulog pa ang umaga, may kalye nang nakadilat sa kahabaan ng unibersidad. 

Isang kalyeng nagigising sa mabagal na usad ng trapiko at sa buhay na nakikipagsapalaran. Isa itong daang kinakapitan ng mga taong pangarap  ang tanging pinaghuhugutan ng lakas.

“Katipunan, kuya.”

Minsan, maaga kong inunahan ang pagsikat ng araw bago pa maipit ang sinasakyang trisikel sa kahabaan ng Hibbard Avenue patungo sa Unibersidad ng Silliman. 

Nakaupo ako sa likod ni kuya driver, kunwari’y hinihigpitan ang kapit sa malamig na bakal na hawakan, ngunit nakatutok ang tingin sa tumatakbong orasan. Dalawa lamang ang maaari kong kahinatnan: ang mahabol ang unang oras ng klase o  ang tuluyang maipit sa mabigat na daloy ng trapiko. 

Habang iniisip ang magiging kahahantungan, kaliwa’t kanan ang nakaw-atensyon sa abalang buhay sa bangketa.

Napansin ko ang maliksing hakbang ng mga mag-aaral upang maabot lang ang pasukan habang sinasalunga ang nag-uunahang tao sa daan. Pasan ang bag sa likod. Hinahawakang papel na pang-aral sa kaliwa. Tira-tirang barya pambaon sa kanan. Dama sa talampakan ang pagmamadali na makaabot lamang sa unang pagsusulit ni ma’am sa umaga. 

Tanaw sa kalayuan ang sukat bago marating ang Katipunan. Lumalaban ang haba ng mga nakaparadang motor. Buwis-buhay paunahan ng puwesto sa nag-uumpukang sasakyan na nakapalibot. Buwis-buhay singhot sa usok polusyon.

Tanaw ang mga estudyanteng nagsibabaan mula sa nag-iingayang sasakyan. Trisikel na pumagilid makakuha ng mga bagong pasahero. Maxim o Grab na paulit-ulit bumubusina at nagbabakasakaling makapuslit sa mga pagitan sa daan. 

Naisipan kong bumaba sa sinasakyan at pilit na makiisa sa dagsaan upang maglakad at humabol palapit sa paroroonan. Naisipang umiba ng daan nang maalala na walang laman ang tiyan. Hindi ako nakapag-almusal dahil sa pagmamadali. 

Pahabaan ng pasensya sa harap ng pedestrian lane kung sino ang mauuna sa amin at sa mga sasakyan. Hinto ang senyas ni kuya security guard para ako’y makatawid sa kabilang daang siksikan dahil sa rami ng makainan.

Inangat ng ale ang takip ng umaapaw na kawa ng kalderong may laman na lugaw, hudyat ng pagbubukas. Sabay bukas ang iba’t-ibang tindahan, mapa-silogan o sari-sari sa bandang kanto ng Katipunan.

Kahit namamawis sa loob ng dinadagsang Kroskat tuwing umaga, nagawa kong makabili ng paborito kong champorado. Pahigop akong kumakain habang mabilis na naglalakad, kasabayan ko ang mga estudyanteng panay kagat ng cheesebread mula sa cafeteria sa kabilang kanto.

“Good morning, sir.”

Bumungad sa pagmamadali ko habang dinig na nakapila sa labas ng Katipunan ang umagang pagbati ni kuya guard. Nais kong tumakbo sa isipan, habang sabay ring tumatakbo ang ilang minutong natitira bago magsimula ang klase. Tunay na pahabaan ng pasensya sa pila.

Tumingala nang ako’y may napagmasdan. Nakahanay at nagtataasang puno ng acacia ang nagsilbing lilim sa puno’t dulo ng kalye. Nagsisilbing maagang paalala sa walang-pigil na kalye na may kanlungang matatakbuhan.

Nagmamatyag nang ako’y napatanong sa buhay na mayroon sa kahabaan ng kalyeng ito: ilang masasaya’t malulungkot na kuwento na kaya ng edukasyon at hanapbuhay ang dumaan? 

Ako ang sumunod sa pila papasok sa gate. Pangiti-ngiting tiningnan ni Kuya guard ang laman ng bag ko. Titigan mata sa mata. Tila nasa karerang hinihintay ang hudyat upang payagang makapasok. 

Gitnang talakayan na sa klase nang binuksan ko ang pinakadulong pinto ng silid sa ikaapat na palapag ng Ausejo Hall. Nakaupo sa huling bakanteng upuan sa likod. Blanko sa attendance chart ni ma’am. 

Nagmaaga ako, pero ako’y nahuli. Minsan kong sinisi ang naging kahinatnan ko nang ako’y nasa kahabaan ng Hibbard Avenue. Napaisip ako na sana’y mas maaga pa ang punta. 

Ngunit minsan akong pinapaala na sa bawat takbo ng buhay, kailangan ang mag preno.

Hindi sukatan sa totoong daan ng buhay ko ang pagmamadali para masabing napagtagumpayan ang narating na paroroonan. 

Minsan mahahanap ang sagot sa taong naging kaagapay ko sa umaga. 

Minsan kay kuya driver para ipaalala ang dahilan ng bawat biyahe at kayod sa pamilya. 

Minsan kay Ale para ipatikim ang pagiging matatag sa bawat pagsubok.

Minsan kay Kuya Guard para iparamdam ang kapanatagan na kailangan sa buhay. 

Minsan sa makasulubong kong estudyante para sariwain ang pagkatuto sa pagtanaw sa hinaharap.

Marahil sa kanila matatagpuan ang totoong katumbas ng pangarap na pinaghuhugutan ko sa kalyeng araw-araw kong pinaghahawakan—kahit nag-iisang Hibbard Avenue lang ang saksi upang magpatuloy ako sa kabila ng pagkaantala.

 

Keep Up to Date with the Most Important Silliman University News

By pressing the Subscribe button, you confirm that you have read and are agreeing to our Privacy Policy and Terms of Use