By Dhel Sue Cabiara and Lealina Evangeline A. Reyes
Sa kataga ni Dr. Jose Rizal, “Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa malansang isda.”
Tuwing Agosto, ang mga salitang ito ay nakapaslit sa bawat silid-aralan, nakikita sa mga opisina ng gobyerno, at sinusubukang isabuhay muli sa pamamagitan ng pagdidiriwang ng Buwan ng Wika.
Sa buwang ito, binibigyang-diin ang wikang Filipino bilang sariling atin, at sa pamamagitan ng pagtangkilik nito, nabibigyang-halaga ang pagiging makabayan. Ngunit, paano ba maipahayag ang pagmamahal sa sariling wika kung ang binibigyang tuon ay ang katalinuhang hindi naman likas?
Ngayong taon, ang tema ng Buwan ng Wika ay “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.” Ang pagpili ng temang ito ay sanhi ng mga pagtatalo sa pagitan ng mga sumasang-ayon at sumasalungat sa AI.
Ang pag-usbong ng modernong teknolohiya sa nakalipas na mga taon ay nagbigay-bunga sa mga inisiyatibang naglalayong itaguyod ang pag-uugnay ng AI sa lipunan.
Ilan sa mga halimbawa nito ay ang opisyal na tema ng National Innovation Day na “AGOS ASEAN: AI for Growth, Opportunity, and Sustainability in ASEAN,” at ang pagtaguyod ng Department of Information and Communications Technology sa “State of the Nation in AI” noong Enero.
Subalit, ano nga ba ang tunay na ugnayan ang nais dugtungan sa pagitan ng AI at lipunan kapag wika ang pinag-uusapan?
Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ang tema ay nakatuon sa paggamit ng AI sa pananaliksik at pagsasalin ng wika. Binigyang-diin ng KWF na ang AI ay marapat na tratuhin na kasangkapan at hindi bilang isang banta sa Filipino at katutubong wika.
Sa pahayag ng Tagapangulo ng KWF na si Atty. Marites E. Barrios-Taran, “Ang tunay na sukatan ng ating pag-unlad sa AI ay hindi lamang ‘yung teknikal na husay nito, kundi ang pagiging responsable, etikal, at makatao sa ating paggamit.”
Sinabi sa isang panayam ni Dr. Mark Jhon Prestoza, direktor ng Sentro ng Wika at Kultura ng Isabela State University, na ang tunay na usapin ay ukol sa kung ano ang maitutulong ng mga Pilipino sa AI sapagkat ito ay umaasa lamang sa mga datos at impormasyon nagmula rin sa tao.
“Sapagkat ang AI ay walang sariling karunungan. Natututo lamang ito mula sa kaalamang nililikha ng tao, sa datos na ating ibinabahagi, sa wikang ating isinusulat, at sa kulturang ating isinasabuhay,” ani Prestoza.
Bukod pa, isa rin sa mga puntong idiniin ni Prestoza ay ang pag-trato sa AI upang maging katuwang, hindi kapalit, ng pagtuturo at ang isyu kaugnay sa kalidad ng impormasyon kayang ibahagi ng AI.
“Maaaring makapagbigay ng mabilis na sagot ang AI, ngunit ang edukasyon pa rin ang humuhubog sa kakayahan ng tao na magtanong, magsuri, at magpasya […] Kailangang maging inklusibo ang mga korpus ng wika, […] at igalang ang karapatan ng mga may-akda, mananaliksik, at [ang] mga pamayanang pinagmumulan ng kaalaman,” sabi niya.
Habang binigyang-diin ng mga sumasang-ayon sa paggamit ng AI na ang layunin ng pag-gamit nito ay para maging kasangkapan sa pananaliksik ng wika, ang mga sumasalungat naman ay binatikos ang pagsama ng AI sa tema ng Buwan ng Wika.
Sa isang opinyon ni Anthony Estelloso, isang guro ng humanities, sinabi niya na samantalang nagbibigay ng madaliang daan ang AI, inaalis naman nito ang aspektong pantao na kinakailangan sa sining at akademiya.
Kaugnay nito, naglabas din ng isang editoryal ang University Digest, ang pahayagang pangkampus ng Western Mindanao State University, ukol sa kanilang pagtutol sa paggamit ng AI. Ayon sa kanila, “Artificial intelligence has no seat in the classroom.”
Sinulat din ng publikasyon na ang paggamit ng mga paaralan ng AI ay kalaunay hahantong sa kawalan ng “creative authenticity,” at ang paghina ng kritikal na pag-iisip ng mga mag-aaral.
Ang patuloy na pag-unlad ng teknolohiya ay nagbunga ng mga inisyatibang layong dugtungan ang AI at ang potensiyal na pakinabang nito sa lipunang Pilipino.
Gayunpaman, sa usapin ukol sa pagpapairal ng AI sa pagtaguyod ng wikang Filipino, isang tanong ang dapat nating itanong sa ating sarili: habang patuloy na hinuhubog ang AI bilang sangkap sa patuloy na pagtataguyod ng wika, paano nga ba masisiguro na ang naturang pag-unlad ay tunay na magpapalawak sa Wikang Pambansa?